CEBU CITY – Anim katao ang namatay, kabilang ang apat na mga bata, nang makulong sa kanilang bahay sa nangyaring sunog sa isang residential area sa Osmeña Blvd., Barangay Sta. Cruz sa lungsod na ito, noong Martes ng hapon.
Bukod sa anim na namatay, may isa pang hinahanap sa clearing operation matapos na magdeklara ang Bureau of Fire Protection na fire-out na ang sunog bandang alas-3:41 ng hapon, mahigit isang oras makaraang ihayag ng mga bumbero na ‘fire under-control’ ang sunog na nagsimula pasado alas-2:00 ng hapon.
Dalawang kasapi ng pamatay sunog at isa pang sibilyan ang kabilang sa mga iniulat na nasaktan sa insidente na tumupok sa mahigit P11 milyong halaga ng mga ari-arian sa Arlington Pond, Barangay Sta. Cruz.
Kinilala ng Cebu City Fire Office ang mga namatay na sina Dan Henry Carvajal, 3; Andre Carvajal, 6; Felicity Sachi Carvajal, 12; Lyka Carvajal, 16; Hannah Mae Carvajal, 34, at Lilian Carvajal, 72-anyos, na unang inulat na kabilang sa dalawang nawawala.
Patuloy namang hinahanap ang isang Ivan Mejia, 58-anyos, na isang person with disability (PWD).
“They were probably trapped because after my initial examination, the doors of their homes were locked and the elderly woman was having a hard time going out,” pahayag ng isang opisyal ng Barangay San Roque.
Hinihinalang electrical faulty wiring ang sanhi ng sunog dahil bago kumalat ang apoy ay nakarinig ng pagsabog ang may-ari ng bahay at dali-daling lumabas.
Nang maalala na may naiwan sa loob ay hindi na ito nakabalik dahil lumaki na ang apoy.
Gawa umano sa light materials ang ilan sa 15 kabahayan, sampu rito ay totally burned habang partially burned naman ang lima pa, ayon kay BFP arson investigator FO2 Fulbert Navarro.
Pansamantalang dinala sa evacuation center ang mga residenteng apektado ng sunog. (JESSE KABEL)
206 