PAMPANGA – Isa na namang kidnap victim na hinihinalang may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operation, ang nailigtas sa ikinasang rescue operation ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group sa bayan ng Clark sa lalawigang ito, noong nakalipas na linggo.
Ayon kay Police Maj. Rannie Lumactod ng PNP-AKG, naglatag ng rescue operation ang kanilang mga tauhan makaraang dumulog sa kanilang tanggapan ang isang Einna Alyssa Estrella na live-in partner ng biktimang si Xie Zhiqiang.
Base sa sumbong ng kinakasama ng biktima, hinihingian sila ng halagang P140,000 ng mga kidnapper kapalit ng kalayaan ng kanyang live-in partner.
Sa salaysay ni Estrella sa mga imbestigador Hulyo 13 nang mag-apply si Xie sa D’Heights Resort and Casino sa Clark Freeport Zone bilang isang POGO worker.
May isang lalaking Chinese umano ang sumundo kay Xie at dinala sa Pampanga para sa trabaho.
Ngunit sa parehong araw rin ay nakatanggap ng mensahe si Estrella mula sa biktima na sapilitan umano siyang pinagtatrabaho sa isang illegal online gambling at ikinulong.
Humingi ng pera ang mga kidnapper para umano makalaya ang biktima at hindi ito ibenta sa ibang kumpanya.
Agad na naglunsad ng rescue operation ang mga tauhan ni P/BGen. Jonnel Estomo, pinuno ng PNP-AKG, at sinalakay ang naturang kumpanya.
Nailigtas ang biktima ngunit bigong madakip madakip ang sinasabing mga suspek.
Tiniyak naman ni Col. Alex Fulgar ng PNP-AKG, hindi nila lulubayan ang mga suspek kasunod nang pagkakabulgar sa bagong modus ng sindikatong kumikilos sa loob ng POGO na pagbebenta ng mga tauhan para magtrabaho sa illegal gambling operations. (JESSE KABEL)
