NATIMBOG sa lalawigan ng Quezon ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek sa insidente ng pamamaril sa national highway junction sa Brgy. Batong Malaki, Los Baños City, Laguna, na ikinamatay ng isang biktima at ikinasugat ng kasama nito, noong Lunes ng tanghali, Pebrero 6.
Ayon sa report, nasakote ng magkasanib na mga tauhan ng Los Baños Police at Candelaria, Quezon Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Sadam” sa pinagtaguan nito sa Barangay Mangilag Sur, Candelaria.
Ito umano ang nagmaneho ng motorsiklong ginamit na get-away vehicle sa krimen.
Narekober ng mga awtoridad ang nasabing get-away vehicle matapos na ito ay abandonahin sa bayan ng Bay sa Laguna.
Natunton naman ang saktong lugar na pinagtataguan ng suspek sa pamamagitan ng koordinasyon ng Los Baños Police at ng Candelaria PNP, at nabatid na may mga kamag-anak ang suspek sa naturang barangay.
Nakumpiska sa suspek ang isang 9mm na baril, 14 piraso ng bala at iba pang mga personal na gamit nito na tumutugma sa deskripsyon ng mga saksi, gayundin sa mga kuha ng CCTV camera sa lugar ng pinangyarihan.
Nasa kustodiya na ng Los Baños MPS ang naarestong suspek na sinampahan ng kasong murder, frustrated murder at kasong paglabag sa RA 10591.
Magugunitang noong Lunes ng tanghali nang pagbabarilin ang mga biktimang sina Saidamen Ampawa at Macabangon Manuco habang ang mga ito ay nakasakay sa nakaparadang van sa harap ng isang convenience store sa Los Baños. Dead on the spot si Ampawa habang grabeng nasugatan si Manuco.
Matagal nang alitan sa pagitan ng grupo ng mga biktima at ng mga suspek ang sinasabing motibo sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)
