PINABALIK na sa kanilang sariling bansa ang sampung Hapones na wanted sa mga awtoridad sa Tokyo dahil sa pagkakasangkot sa big-time telecommunications fraud.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang ipina-deport na mga Hapon ay pinasakay sa isang Japan Airlines flight patungong Narita na umalis sa Ninoy Aquino International Airport dakong alas-10:00 ng umaga nitong Huwebes.
Ang mga ito ay binantayan sa kanilang flight ng Japanese policemen na kamakailan ay dumating sa Manila para sunduin sila.
Kabilang sa ipinatapon pabalik sa kanilang bansa ay sina Mishima Takumi, Tabata Ryota, Kawasaki Ryuto, Irabu Shioki, Onishi Shunsuke, Omata Kenta, Sato Takatoku, Hashizumi Ryushin, Mitani Ren at Oshita Nobuki.
Ang mga Hapon ay pinabalik sa kanilang bansa ayon sa summary deportation order na inilabas ng BI board of commissioners laban sa mga ito noong Disyembre 5, 2019, matapos silang maaresto sa Makati City ng BI operatives.
Nabatid sa record na ang deportees ay kabilang sa 34 Japanese nationals na dumating sa bansa noong Nobyembre 13, 2019 at nadakip ng mga operatiba mula sa BI fugitive search unit (FSU) sa loob ng hotel sa Makati City kung saan sila nahuling gumagawa ng “voice phishing and telephone fraud activities”.
Tinatayang nakakuha sila sa kanilang mga biktima ng dalawang bilyong yen, katumbas ng P1 billion, na nakasira sa kabuhayan ng kanilang mga kababayan. (JOEL O. AMONGO)
156 