10 sasakyan nagkarambola 1 PATAY, 6 SUGATAN

CAVITE – Patay ang isang lalaking bike rider habang anim ang sugatan makaraang magkarambola ang sampung sasakyan sa kalsada sa Imus City sa lalawigang ito, noong Linggo ng umaga,

Isinugod pa sa Medical Center Imus si Valintin Escoto, 45, ngunit idineklarang dead on arrival, habang sa Ospital ng Imus dinala ang mga sugatang sina Jessrill Tanap Rimando, 28, at angkas nitong si Nikka Lumampo, 25; ang mag-asawang Jeffrey at Meladie Sardane, ang motorcycle rider na si Ariel Francisco Simbulan, 55, at ang sakay ng Honda BRV na minamaneho ni Jonar Lumang, na si Joyce Rebita Sancho.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. John Carlo Punzalan ng Imus City Police Station, dakong alas-7:30 noong Linggo ng umaga nang mangyari ang insidente kung saan naka-stop position ang lahat ng mga sasakyan ng mga biktima patungo sa direksiyon ng Dasmariñas City sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy. Anabu 2, Imus City, Cavite.

Nabangga umano ng Mitsubishi GLX na may plakang NQU 7917, na minamaneho ni Leovino Mancilla Jr., 60, ang puwetang bahagi ng jeepney ni Reynaldo Layba, 55.

Dahil dito, umikot pakanan ang Mitsubishi at bumangga sa isang kongkretong poste ng kalsada ngunit patuloy na umandar at nasagi ang bisikleta ni Escoto at nasagi rin ang minamanehong Honda BRV ni Jomar Lumang, 28, at nabangga naman ang kasunod pang sasakyan na isang motorsiklong Honda 125 na minamaneho ni Jeffrey Sardane na nasa outer lane, kasunod ang Izusu XT Wagon na minamaneho ni Rahyane Aquino, 28.

Dahil sa pagkakabangga ng mga sasakyan, umusad pa ang ibang sasakyan at nasagi rin ang motorsiklo Yamaha Mio ni John Kenneth Casapao, 30, na nasa gilid ng kalsada at nasagi naman ang Toyota Hi-Ace van na minamaneho ni Federito Guna, 44. (SIGFRED ADSUARA)

244

Related posts

Leave a Comment