100% FOREIGN OWNERSHIP APRUB NA SA KAMARA

kamara1

BERSYON na lamang ng Senado at lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para magkaroon na ng 100% ownership ang mga dayuhan sa mga negosyo sa Pilipinas maliban sa tubig at kuryente, matapos itong aprubahan na sa Kamara.

Sa botong, 136 pabor, 43 ang kumontra at isa ang hindi bumoto, tila walang kahirap-hirap na inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 78 o Public Service Act (PSA) na isa sa mga priority bill ng gobyerno.

Sa ilalim ng nasabing panukala, buburahin na ang 40%-60% ownership o 40% lamang ang puwedeng ariin ng mga dayuhan sa mga negosyong papasukan sa Pilipinas habang ang 60% ay dapat pag-aari ng mga Filipino.

Maliban sa tubig at kuryente, maaari nang pasukin ng mga dayuhang negosyante ang lahat ng uri ng negosyo sa bansa lalo na sa telecommunication, transportasyon, edukasyon at iba pa.

Maging sa oil at mineral extraction, media, agrikultura, at iba pa ay hindi na kailangan ng mga dayuhan na magkaroon ng Filipino counterpart kapag tuluyang naging batas ang nasabing panukala.

Naniniwala ang mga may akda sa nasabing panukala na lalong dadami ang mga dayuhan na papasok sa bansa para mamuhunan dahil mawawala na ang mga restriksyon sa mga ito sa pagnenegosyo sa Pilipinas.

Subalit ayon sa mga militanteng mambabatas na kumontra sa nasabing panukala, talong-talo umano ang mga Filipino dahil ang kikitain ng mga dayuhang negosyante sa mga negosyong papasukin sa Pilipinas ay tiyak na iuuwi lang sa kanilang bansa. BERNARD TAGUINOD

132

Related posts

Leave a Comment