BUNSOD nang biglang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila, dalawang executive order (EOs) ang ipinalabas ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno,” Domagoso.
Kabilang dito ang hinggil sa pag-lockdown sa karagdagang 12 barangay, kalye at building, at ang pagbabawal ng ilang gawain na may kinalaman sa pagdiriwang ng Mahal na Araw.
Ayon sa alkalde, nakasaad sa EO No. 8 ang pag-lockdown ng apat na araw sa sumusunod na mga barangay: 107, 147, 256, 262, 297, 350, 385, 513, 519, 624, 696 at 831.
Kasama rin sa lockdown ang Kusang-Loob Street sa Sta. Cruz, Manila na sakop ng Barangay 353, gayundin ang NYK Fil-Ship Management na sakop ng Barangay 658.
Magsisimula ang lockdown sa Lunes, Marso 22, dakong 12:01 ng madaling araw at magtatapos ng 11:59 ng gabi sa Marso 28, Huwebes.
Ayon kay Moreno, ang street at clustering lockdown ay base sa DILG manual na nagsasaad kung paano tutugunan ang nakahahawang sakit.
“Kaya ‘yung isa ay kalye lamang, para ‘yung ibang mabuting mamamayan na nagdi-disiplina ay hindi madamay sa perwisyo ng posibleng iilan na nagpapabaya,” pagbibigay-diin ng alkalde.
Idinagdag pa nito: “Deep inside me, ayoko mag-lockdown but it is quite unfair to other communities na nagdi-disiplina habang ang iba ay nagpapabaya”.
Sinabi pa ni Moreno, ginawang advance ang pag-aanunsyo upang bigyan ng sapat na oras ang apektadong mga residente na makapaghanda, dahil magiging istrikto ang implementasyon.
Sa ilalim naman ng EO No. 9, ay nakasaad ang pagbabawal sa tradisyunal na mga gawain sa paggunita sa Mahal na Araw na magsisimula sa Marso 28 hanggang Abril 4, dahil ang mga gawaing ito ay labis na nagdudulot ng napakaraming tao na isang dahilan ng pagkalat ng coronavirus.
Kabilang sa ipinagbabawal ay ang mga sumusunod: prusisyon, pabasa, senakulo at iba pang katulad na gawain sa labas ng simbahan o lugar ng pananampalataya na may kinalaman sa Holy Week.
Kailangan din na ang simbahan ay istriktong sumunod sa quarantine rules na naglilimita sa 50 percent ang seating capacity sa loob ng simbahan.
Inatasan din ng alkalde si Barangay Bureau Director Romeo Bagay na tiyakin na ang dalawang executive orders ay maipakakalat nang mabilis at maayos sa 896 barangay chairman sa lungsod para sa kanilang istriktong pagtalima at upang maiparating din ito sa kanilang mga nasasakupan.
“Huwag muna natin gawin ang mga nakagawiang tradisyon ng pagsampalataya sa labas ng Simbahan ngunit ituloy pa rin natin ang taimtim na pagdarasal… gunitain natin ang Semana Santa ngunit kailangan ay may takdang disiplina. May konting pagbabago pero para ito sa ikabubuti ng lahat,” dagdag pa nito.
Tiwala ang alkalde na makikipagtulungan ang mga opisyal ng simbahan sa pamahalaang lungsod sa ipatutupad na executive order. (RENE CRISOSTOMO)
