INIUTOS ni Executive Secretary Lucas Bersamin ng Office of the President ang 12 buwang suspension order laban kina Urdaneta City Pangasinan Mayor Julio Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno matapos mapatunayang sangkot ang mga ito sa kasong grave misconduct at grave abuse of authority na naisampa sa Malakanyang ni Michael Brian Perez, punong barangay ng San Vicente Urdaneta City, Pangasinan.
Kaugnay ito sa ipinalabas na desisyon ni Secretary Bersamin nitong January 7, 2025 hinggil sa administrative complaint na naisampa ni Perez noong October 28,2022 kung saan napatunayang sangkot ang dalawang Parayno sa naturang kaso.
Agad ipinatupad ng DILG ang desisyon ng Malacanang at memorandum order ni Atty. Romeo Benitez, Undersecretary for External, Legal and Legislative Affairs at inatasan si DILG Region 1 director Jonathan Paul Leusen Jr. na sundin ang kautusan laban sa mga Parayno.
Samantala, inatasan ni DILG Regional director Leusen sina Atty Leovigildo Bungubung Jr. at Atty Michael John Borja na ipatupad ang desisyon ng Malakanyang na tig-anim na buwan na suspension sa dalawang kaso o kabuuang 12 buwan na suspension sa puwesto.
Inireklamo ang mga Parayno ng pag-abuso sa kapangyarihan nang suspendihin at patalsikin bilang Liga ng mga Barangay President si Perez at palitan bilang LNB President ng Office of the Mayor at Sangguniang Panlungsod na hindi naman nila sakop.
Ang may kapangyarihan na magdesisyon hinggil dito ay ang LNB Provincial Executive Board sa pamamagitan ng Provincial Liga Office.
Sinasabing magkatulong ang dalawang Parayno na magsagawa ng balasahan sa mga opisyal ng LNB noong May 16, 2022 at nagpalabas ng notice of suspension laban kay Perez noong June 15, 2022 para hindi ito makabalik bilang LNB President. Ang mga bagong halal na LNB officers ang kinilala ni Parayno.
Pinagbawalan din ng dalawang Parayno na makabalik sa posisyon si Perez bilang LNB President at ex-officio member ng Sangguniang Panlungsod kahit labag ito sa batas o may katapat na kasong grave misconduct sa kabila na may lifting ang suspension order para makabalik sa puwesto si Perez noong September 2022. (PAOLO SANTOS)
