“HAZING is a serious crime,” deklara ni Bicol PNP Regional Director
P/BGen. Jonnel C. Estomo nang madakip ng mga tauhan ng PNP-PRO5 Sorsogon ang 12 miyembro ng Tau Gamma Phi na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 11053 o Anti-Hazing Law.
Ayon kay P/BGen. Estomo, mula sa lalawigan ng Sorsogon ay nagsagawa ng simultaneous law enforcement operations ang mga tauhan ng Bulan Municipal Police Station, sa pangunguna ni P/Col. Arturo P. Brual Jr., Provincial Director ng Sorsogon PPO, sa Calamba, Laguna na nagresulta sa pagkakaaresto sa 12 miyembro ng nasabing fraternity group.
Ang mga suspek ay sinasabing pawang responsable sa pagkamatay ng neophyte na kinilalang si Lawrence Savellano na isinalang sa kanilang initiation rites sa Bulan, Sorsogon noong ng Pebrero ng nakaraang taon.
Naging instrumento ang social media sa intelligence operation kaya nadakip ang mga suspek na sina Mar Charnel Dipon Fajardo, 22; Arman Gobris Bunyi Jr., 23; Arvin Giroy Nuñez Gitoy, 25; Ronnel Gealone Balaguer, 25; Johnson Antonio Gealone, 26; Runy Gratil Gerero, 35; Remdrant Panes Gerolao, 34; Reniel Morata Guran, 32; Archie Gerani Dipon, 43; Ronmark Garados Godala, 24; Billy Bello Berania, 31, at Ulysses Bello Berania, 29, pawang mga tubong Bulan, Sorsogon.
Walang piyansang inirekomenda si Hon. Bernardo Rivera Jimenes, Acting Presiding Judge ng RTC Branch 65, 5th Judicial Region, Bulan, Sorsogon, na naglabas ng warrant of arrest laban sa mga akusado dahil sa paglabag sa RA 11053 o Anti-Hazing law.
Mahigit isang taong nagtago ang mga suspek bago nadakip sa Brgy.
Lawa, Calamba, Laguna sa gitna ng ginagawang pagpupulong.
Ayon kay Gen. Estomo, ang mga nadakip ay pawang sangkot sa hazing kay Savellano na namatay bunsod ng kanilang initiation rites at pagkaraan ay sama-samang nagtago sa lalawigan ng Laguna. (JESSE KABEL)
