13 PASAHERO NASAGIP SA KARAGATAN SA POLILLO

QUEZON – Labintatlong pasahero ang nasagip ng rescue team ng Philippine Coast Guard, kasama ang mga tauhan ng Polillo MDRRMO at Panukulan MDRRMO, matapos masiraan ang isang passenger motor banca sa territorial waters ng Polillo island, sa lalawigang ito, nitong Martes ng umaga.

Ayon kay Jeremie Erracho, head ng MDRRMO ng Panukulan, galing sa port sa bayan nila ang motor banca na may pangalang Rheanne Mae, sakay ang 13 katao at patungo sa Polillo municipal port, nang abutan ito ng malakas na hangin at malalaking alon sa karagatang sakop ng Barangay Tamulaya-Anibong, sa Polillo, nasa 6 kilometro pa ang layo sa port.

Naputol ang katig ng bangka dahilan para ito ay tumigil sa paglalayag at ma-stranded sa gitna ng karagatan.

Agad nakahingi ng saklolo ang isa sa mga sakay ng bangka sa MDRRMO Panukulan na siyang nakipag-ugnayan sa mga rescuer sa Polillo at sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard para mabilisang makapaglunsad ang rescue operation.

Nang matukoy ang eksaktong lokasyon ng bangka, pinayuhan ng mga awtoridad ang mga sakay na huwag mag-panic at sikaping manatiling balanse ang bangka para maiwasang ito ay tumaob at tuluyang lumubog.

Makaraan ang isang oras, matagumpay na naisalba ang lahat ng 13 sakay ng bangka na kinabibilangan ng siyam na lalaki at apat na babae.

Ayon kay Erracho, may gale warning ang PAGASA sa karagatan ng Northern Quezon dahil sa umiiral na malakas na hanging Amihan at epekto ng shearline kaya mula pa noong Linggo ay sinuspinde ng Philippine Coast Guard ang biyahe ng maliliit na sasakyang dagat sa Polillo islands patungo sa Real Quezon port.

Subalit mula sa Panukulan na katabing bayan ng Polillo sa isla, umarkila umano ng bangka ang mga biktima papunta sa Polillo Port kung saan sila puwedeng sumakay ng RORO patungo sa Port of Real sa mainland Quezon.

Subalit nauwi sa trahedya ang isang oras lamang na biyahe sana ng lumubog na bangka.

Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente at nadala ng PCG vessel ang mga biktima sa port ng Polillo. (NILOU DEL CARMEN)

203

Related posts

Leave a Comment