KAPWA may sala ang mga operatiba kaugnay ng bulilyasong anti-illegal drugs operation sa Quezon City nitong nakaraang Pebrero, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) sa pagtatapos ng anim na buwan ng malalimang pagsisisayat sa madugong insidente.
Makaraan ang anim na buwan, sinampahan ng kasong criminal ang 12 miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) at apat na ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kasong homicide at frustrated homicide ang inihain ng NBI laban kina Khee Maricar Pornobi Rodas, Jelou Juanitez Santiniaman, Jeffrey Panhon Baguidudol at Romeo Asuncion na pawang mga ahente ng Special Enforcement Service ng PDEA kaugnay ng pagkamatay ng isang Corporal Eric Elvin Garado, Lauro de Guzman at maging sa kapwa PDEA agent na si Rankin Gano.
Karagdagang asunto din ang inihain kontra kay Baguidudol para naman sa umano’y pamemeke ng mga dokumento para sa nasabing operasyon.
Hindi din pinalusot ang mga kasapi ng QCPD Special Operating Unit na sina Alvin Borja, Ronnie Ereno, Marlon Masiclat, Ronilo Prepose, Jason Coranez, Aries Curit, Marco Tapanan, James Dasalla, Sandie Caparroso, Raul Christian Zacarias Gandeza, Honey Besas at Christopher Alvarez na kapwa nahaharap sa parehong asunto.
Sa hanay ng mga pulis, bukod tangi namang si Caparosa ang kinasuhan ng robbery kaugnay ng mga kinumpiskang mga armas at personal na kagamitan ng mga PDEA agents na kanilang kustodiya. (RENE CRISOSTOMO)
