16 TEXT BLASTERS KUMPISKADO NG ACG-PNP SA TARLAC

CAMP Olivas, San Fernando, Pampanga- Labing-anim na text blaster equipment ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP) at Tarlac PNP sa ikinasang entrapment operation noong Lunes sa Burgos Street, Barangay Poblacion Norte, Paniqui, Tarlac.

Isang alyas “Ray”, 28, residente ng Paniqui, Tarlac, ang arestado ng nabanggit na mga operatiba matapos mahuling nagbebenta online ng nasabing 16 SIM-based text blasters o international mobile subscriber identity (IMSI) catchers.

Ang suspek ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa Philippine Radio Control Law, SIM Registration Act, Data Privacy Act at Cybercrime Prevention Act.

Matatandaang una nang sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na tumataas ang demand para sa text blast machines sa tuwing sasapit ang eleksyon.

Ang mga kandidato namang mapatutunayang gumagamit ng text blast machines sa kanilang pangangampanya, ay mahaharap din sa kaparusahan.

Sa isang press briefing noong Lunes (Marso 24) sa Camp Olivas sa San Fernando, Pampanga, iprinisenta nina Usec. Alexander Ramos ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), PBGen. Bernard Yang, Acting Director ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG), at PBGen. Jean Fajardo, regional director ng PRO3, ang mga narekober na text blaster equipment.

Ayon kay Ramos, ang nakumpiskang IMSI catchers ay ilegal na nagagamit bilang text blaster kung saan kadalasang ginagamit sa scamming activities.

Nabatid na ang text blaster equipment ay kilala rin bilang “stingray,” rogue cell tower, fake cell tower, cell site simulator, or dropbox na nagagamit para gawing cell tower, na maaaring makakonekta sa kalapit na cellphone units.

Kapag nakakonek na sa mobile phone ay maaari na nito ma-collect ang IMSI numbers at kayang ma-track ang lokasyon at aktibidades ng phone users maging ang text messages nito, tawag at data traffic.

Paalala ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na ang IMSI catchers ang pwedeng mag-operate kahit sa public places, ‘tracking and intercepting mobile phone communication’.

Ayon kay Gen. Yang, bawat machine ay nagkakahalaga ng mahigit P100,000 at ito ay may 32 sims na kayang makasagap ng mahigit 600 mobile numbers.

“Capable siya mag-broadcast, pwede ka mag-transmit simultaneously in the same seconds ng messages and can be used sa election. Potential na magamit ng mga kandidato na hindi made-detect,” wika ni Yang.

Sinabi naman ni Gen. Fajardo, posibleng magamit ito ngayong election period. Aniya, inaalam at iniimbistigahan na kung ang nakumpiskang text blaster machines ay galing sa dalawang POGO hub sa Tarlac at Porac na sinalakay noong nakaraang taon.

(ELOISA SILVERIO)

22

Related posts

Leave a Comment