IPINAG-UTOS ng pamahalaan ang mahigpit na inspeksyon sa lahat ng shipment mula Laos na papasok sa bansa upang matiyak na walang nakatagong ilegal na droga sa mga kargamento.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, kailangang masusing suriin ang lahat ng shipment mula Laos, kabilang ang mga magnetic shipment, upang matukoy ang posibleng pagpupuslit ng ilegal na droga.
Ito ay kasunod ng pagkakasamsam ng shabu na nagkakahalaga ng ₱1.3 bilyon sa Manila International Container Port sa North Harbor, Maynila.
Batay sa imbestigasyon, nagmula sa Laos ang nasabing kargamento na idineklarang mga karton ngunit natuklasang may nakatagong droga sa loob nang buksan ito.
Matatandaang naharang din sa Laos ang isang private jet na patungong Maynila na may kargang mahigit 500 kilo ng shabu.
Samantala, sinabi ni Remulla na nagiging mahirap na ang pagkuha ng suplay ng ilegal na droga sa bansa.
Patunay umano rito ang pagtaas ng presyo ng shabu sa ₱6,800 kada gramo mula sa dating ₱3,800 kada gramo noong nakaraang administrasyon.
(TOTO NABAJA)
43 