OPISYAL nang binuksan sa lungsod ang kauna-unahang ‘Manila Halal Festival’ na nagtatampok ng mga sertipikadong produktong Halal.
Ang pagdiriwang ay hindi lamang isang pagtitipon kundi isang pagdiriwang ng kultura, pananampalataya, negosyo at pagkakaisa na isang pagkakataon para makilala ang Halal Industry na sumisimbolo sa integridad, kalidad at respeto sa tradisyon.
Isinakatuparan ang aktibidad sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaang lungsod at DTCAM na siyang nag-organisa sa programa, DTI Halal Project Management Office at Department of Tourism, Halal Tourism and Muslim Concerns.
Dumalo sa pagbubukas ng Manila Halal Festival sina Mayor Isko Moreno-Domagoso, Vice Mayor Chi Atienza, kasama sina DTI Secretary Cristina Roque at DOT Usec. Myra Paz Abubakar. Ito ay bukas mula Marso 23 hanggang 25 sa International Court ng Manila City Hall.
Ang aktibidad ay tampok ang iba’t ibang Halal certified products, masasarap na pagkain at natatanging serbisyo na sumasalamin sa ating mayamang kultura at inklusibong komunidad.
Hinimok naman ni Roque ang publiko na makibahagi sa Halal Industry dahil sa lumalaki nitong potensyal, at multi-trillion-dollar worldwide business na ang nasabing industriya.
Sinabi naman ni Mayor Isko na patuloy na ipalalaganap ng Manila LGU ang food tourism sa lungsod.
Paliwanag ng alkalde, ang Halal ay hindi lamang tumutukoy sa pagkain o pang-Muslim kundi isang sistema.
“A system there is a process as a matter of respect to their beliefs and way of life,” aniya.
Sa Maynila aniya ay pantay-pantay, ano man ang relihiyon at kasarian ay malaya ang lahat sa lungsod.
Kaya naman hinihikayat ng alkalde ang lahat, lalo na ang MSMEs (Micro, Small, and Medium Enterprises), na lagi silang welcome sa Maynila at maaari nilang ibenta dito ang kanilang produkto basta sumunod lamang sa mga alituntunin ng pamahalaan.
Aniya, ang Maynila ay isang malaking merkado kung saan mayroong mahigit dalawang milyong night time population at mahigit tatlong milyong day time population na malaking bilang kung saan may oportunidad sa bawat isa.
“Today is the window opportunity and lagi kayong welcome sa lungsod ng Maynila,” pagtatapos ng alkalde. (JOCELYN DOMENDEN)
60 