SA halip na magalit dahil sa tangkang pagbomba ng water cannon at ginawang peligrosong pagmamaniobra ng isang China Coast Guard at People’s Liberation Army Navy, nag-alok pa ng tulong ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa mga Tsinong marino nang magsalpukan ang kanilang mga barko sa paghabol sa barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng “Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM)” operation malapit sa Bajo de Masinloc.
Sa inisyal na ulat na ibinahagi ng Philippine Coast Guard, nagbanggaan ang barko ng Chinese Navy at China Coast Guard bunsod ng ginagawang pagtugis sa Philippine vessel na nagkakaloob ng ayuda sa mga mangingisda sa Bajo de Masinloc.
Ayon sa PCG, nag-deploy sila ng kanilang BRP Teresa Magbanua at BRP Suluan, kasama ang MV Pamamalakaya, para eskortahan ang 35 Filipino fishing vessels.
Sa kasagsagan ng “Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM)” implementation, naranasan ng Philippine vessels at mga mangingisda ang “hazardous maneuvers at blocking actions” mula sa dalawang Chinese vessels na nasa area.
“In particular, the MRRV 4406 was targeted with a water cannon, but the seamanship skills by PCG crew members allowed the vessel to successfully evade from getting hit,” dagdag pa sa ulat.
Sa pagtugis at pagsasagawa ng dangerous maneuver ay nagsalpukan ang China Coast Guard (CCG) vessel 3104 at People’s Liberation Army Navy (PLA Navy) ship 164, may sampung nautical miles lamang sa silangang bahagi ng Bajo de Masinloc.
“The CCG 3104, which was chasing the BRP Suluan at high speed, performed a risky maneuver from the PCG vessel’s starboard quarter, leading to the impact with the PLA Navy warship.
This resulted in substantial damage to the CCG vessel’s forecastle, rendering it unseaworthy,” ayon sa PCG.
Ayon sa PCG, nag-alok agad sila ng tulong na man-overboard recovery at medical aid para sa mga nasaktang tripulante ng China Coast Guard.
(JESSE RUIZ)
