CAVITE – Tinatayang mahigit sa P3 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa arestadong dalawang dayuhan at isang Filipina sa isinagawang buy-bust operation sa Gen. Trias City sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga suspek na sina Stephen Michales, alyas “Sam,” 36, Ghanaian national; Agbe Monday Patrick, alyas “Liberty,” 27, estudyante, Nigerian national, at Roca Kaylene Glynnis Mejia, 30, call center agent.
Ayon sa ulat, dakong alas-7:00 noong Martes ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ng mga operatiba ng PDEA Pampanga, PDEA Bulacan, PDEA 4-A, CIDG Pampanga at Gen. Trias City Police Station sa isang subdibisyon sa Gen. Trias City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang 500 gramo ng shabu na may street value na P3,400,000, isang kalibre .45 baril na may pitong bala, isang unit ng Nissan Almera Gray na may plate number NAT 4083, isang cellular phone at buy-bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (SIGFRED ADSUARA)
