MAGUINDANAO – Bumulagta ang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front-Bangsamoro Islamic Armed Forces (MILF-BIAF) makaraan ang palitan ng putok ng dalawang pangkat ng MILF sa hangganan ng Sitio Badol at Sitio Linawasan, Barangay Mindupok, Maitum, Sarangani, iniulat ng 6th Infantry Division nitong Lunes.
Sa ulat na nakarating kay Lt. Col. Dingdong Atilano, tagapagsalita ng Division Public Affairs Office, kinilala ang mga napatay na sina Sudin Petron at Nasrudin Masukat alyas ‘Oting’ kapwa mga miyembro ng MILF-BIAF.
Unang sumiklab ang bakbakan noong Biyernes (Setyembre 11) sa pagitan nina Kumander Pinda Kadir, kumander ng BIAF-MILF at Esmail Mike Binago, alyas ‘Bonde,’ kumander ng parehong Moro Front.
Tumagal ng halos limang minuto ang palitan ng putok na ikinamatay ni Petron at ikinasugat naman ng isa pa na kinilalang si Komaine Mangutara Arariya, kapwa buhat sa pangkat ni Kumander Kadir.
Nasundan naman ang bakbakan noong Linggo, alas-9:30 ng umaga (Setyembre 13) nang gumanti ng pagsalakay ang grupo ni Kadir dahilan para malagasan ang pangkat ni Binago, na kinilalang si Nasrudin Masukat alyas Oting, 28-anyos.
Dahil dito, nagsagawa na ng koordinasiyon ang tropa ng pamahalaan sa pamamagitan ng 37th Infantry Battalion sa dalawang naglalabang grupo ng MILF, gayundin ang gagawing pakikipag-usap ng MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at ng tanggapan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) upang mapahupa ang girian. (BONG PAULO)
69