NORTH COTABATO – Dalawang miyembro ng New People’s Army o NPA ang namatay matapos makabakbakan ang mga tropa ng pamahalaan sa pagitan ng Barangay Sta. Clara at Datu Ito Indong sa bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Maj. Gen. Diosdado Carreon, Joint Task Force Central commander, nagsasagawa ng pursuit operations ang mga elemento ng 37th Infantry Battalion nang makasagupa ang 20 miyembro ng NPA.
Umaabot sa limang minuto ang palitan ng putok hanggang sa umatras ang mga kalaban dala ang mga sugatan at iniwan ang dalawang napatay na kasamahan na wala pang pagkakakilanlan.
Sa isinagawang clearing operations, natagpuan ang bangkay ng dalawang NPA, isang M16 rifle, isang shotgun, dalawang magazines, IED triggering device, medical kits, at propaganda materials.
“While we intensify our focused operations, we call on the communities to be more vigilant and immediately report any suspicious person or object in your locality,” pahayag ni Maj. Gen. Corleto Vinluan, Jr., WestMinCom Commander.
“Let us continue to converge for the attainment of lasting peace and sustainable development in the region,” dagdag na wika ni Vinluan. (BONG PAULO)
204
