UMAKYAT na sa 16 lungsod at bayan ang naapektuhan ng African Swine Fever o ASF sa lalawigan ng Laguna, ayon sa ulat ng Provincial Veterinary Office.
Ayon kay Provincial Veterinary Office chief Dra. Mary Grace Bustamante , kabilang sa mga naapektuhan ang lungsod ng Calamba at San Pablo, mga bayan ng Los Baños, Calauan, Victoria, Alaminos, Nagcarlan, Liliw, Pagsanjan, Sta. Cruz, Kalayaan, Pakil, Pangil, Famy, Mabitac at Sta. Maria.
Ang mga lugar na ito ay matatagpuan sa ikatlo at ikaapat na distrito ng lalawigan. Nananatili namang ASF-free ang nalalabi pang mga bahagi ng Laguna.
Sa tulong ng Polymerase Chain Reaction Test ng Bureau of Animal Industry madaling matukoy at maeksamin ang mga may sakit na baboy sa iba’t ibang lugar, ayon pa kay Bustamante.
Sinabi naman ni Department of Agriculture 4-A Regional Director Arnel de Mesa. nakapagtala na rin ng kaso ng ASF sa lalawigan ng Batangas at Quezon. Aniya mamamahagi sila ng financial assistance sa mga naapektuhang hog raisers sa buong CALABARZON. (CYRILL QUILO)
127