NORTH COTABATO – Bumulagtang walang buhay ang dalawang kasapi ng komunistang New People’s Army (NPA) habang arestado naman ang dalawa pang rebelde makaraang makipagsagupa sa mga tropa ng pamahalaan sa bayan ng Bacuag sa lalawigan ng Surigao del Norte.
Batay sa ulat ng 30th Infantry Battalion (30IB), agad naglunsad ang kanilang tropa ng operasyon laban sa pangkat ng mga rebelde matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga sibilyan na may presensya ng sampung NPA sa Pan-ukan, Barangay Camboayon sa nasabing bayan.
Ang grupo ng mga rebelde ay pinamumunuan ni Alberto Castañeda, alyas “JD” ng Sandatahang Yunit Pampropaganda 16C2 ng NPA Guerilla Front 16.
Tumagal ng 25 minuto ang sagupaan hanggang sa umatras ang mga rebelde at iniwan ang napatay na dalawa nilang kasamahan. Nadakip naman ng mga sundalo ang dalawa pang rebelde na ang isa ay sugatan.
Narekober ng mga tropa ng pamahalaan sa pinangyarihan ng insidente ang isang M4 Rifle Bushmaster, carbine rifle, dalawang shotgun, isang improvised explosive device, granada, apat na backpacks, mga magazines at mga bala. (BONG PAULO)
186
