PINANGALANAN na ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang hepe ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ng incoming administration.
Sa isang kalatas, sinabi ni incoming Press secretary Rose Beatrix “Trixie” Cruz Angeles na pinili ni Marcos Jr., sina Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Assistant Governor Lilia Guillermo para pamunuan ang BIR at retired Philippine National Police (PNP) Deputy Director General Ricardo de Leon bilang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director-General-designate.
Si Guillermo ay dating Deputy Commissioner ng BIR at sa kasalukuyan, nagsisilbi itong Assistant Governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas at pinuno ng BSP Technology and Digital Innovation Office at BSP I.T. Modernization Roadmap of 2018-2033.
Kinilala si Guillermo bilang isa sa mga nagpatupad ng Philippines Tax Computerization Project na ginamit bilang modern tax collection system ng BIR at Bureau of Customs (BoC).
Si De Leon naman ay nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) Matatag” Class of 1971 at kasalukuyang presidente ng Philippine Public Safety College.
Samantala, itinalaga rin ni Marcos si Atty. Romeo “Jun” Lumagui Jr. bilang Deputy Commissioner for Operations ng BIR. (CHRISTIAN DALE)
