Dalawang kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) ang napaslang habang dalawang high-powered firearms ang narekober matapos ang matinding sagupaan sa pagitan ng 29th Infantry (MATATAG) Battalion, Philippine Army at CPP armed wing New People’s Army sa Brgy. Jaliobong, Kitcharao, Agusan del Norte noong Linggo ng gabi.
Una rito, nakatanggap ng intelligence report at sumbong mula sa mga residente ang Army 29th IB hinggil sa presensiya ng CTGs sa Barangay Jaliobong, na paulit-ulit na umanong nangingikil ng pinansyal at materyal na tulong sa mga residente.
Agad naglatag ng combat operations ang tropa ng pamahalaan na nauwi sa engkwentro nang masabat ang 15 miyembro ng Communist Terrorist Group.
Matapos ang ilang minutong bakbakan, tumakas ang mga NPA at inabandona ang bangkay ng dalawa nilang kasamahan na kinilalang sina Samuel N. Batican, isang top-ranking CTG leader, at isang alyas “Yawming” na sinasabing isa ring armed member ng CPP-NPA .
Nakuha sa clearing operation ang isang Colt AR15 rifle, isang Winchester M14 rifle, dalawang cellular phones, foodstuffs at iba pang supplies.
Sinasabing ang grupong nakasagupa ng mga sundalo ang siyang naatasan na maghanap ng pagkain at iba pang mga pangangailan ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) at kanilang cadres.
Samantala sa lalawigan ng Laguna, napatay sa engkwentro ang isang kasapi ng New People’s Army makaraang abutan ng militar na nangingikil sa mga residente ng Brgy. Magsaysay, sa bayan ng Siniloan kahapon.
Nakasagupa ng 1st Infantry Battalion ang nasa 15 rebelde habang nagsasagawa ng Focused Military Operations (FMO) sa naturang lugar.
Matapos ang palitan ng putok, natagpuan ang bangkay ng isang rebeldeng may hawak na M16 rifle na may mga bala, 3 pakete ng subversive documents at mga personal na kagamitan.
Wala namang iniulat na namatay o nasaktan sa tropa ng militar.
Ayon kay Brig. Gen. Cerilo C. Balaoro Jr., commander ng 202nd Infantry Brigade, nagresponde ang militar dahil sa sumbong ng ilang residente na sapilitang kinikikilan sila ng mga pagkain at mga pangangailangan ng mga rebelde .
Sa ngayon, patuloy ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng militar at Philippine National Police (PNP) sa lugar.
Hinihimok ng lokal na pamahalaan ang ilan pang natitirang NPA sa lalawigan ng Laguna at karatig probinsya na magbalik-loob sa gobyerno upang magkaroon ng kapayapaan at pag-unlad sa buong rehiyon. (JESSE KABEL/CYRILL QUILO)
