BINATIKOS ng dalawang mambabatas ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa paggamit sa 2017 “route rationalization plan” na sumira umano sa buhay ng 28,000 tsuper ng mga dyip.
Inamin ng hepe ng LTFRB na si Atty. Martin Delgra, sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, na ipatutupad ng LTFRB ang route rationalization plan no. 7 sa pagbabalik ng ruta ng mga dyip.
Ito ang dahilan kung bakit mayroong 28,000 tsuper ng public utility jeepneys (PUJs) ang hindi pa nakabibiyahe hanggang kasalukuyan.
Batay sa rekord ng LTFRB, 21,880 yunit lamang ng PUJs ang nakabiyahe.
Binatikos ni Senadora Mary Grace Poe ang paliwanag ni Delgra.
Batay sa rekord ng LTFRB, 2017 nagsimula ang route rationalization plan ng ahensiya.
Idiniin ni Poe, simula pa noong Marso natigil ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan, kabilang ang dyip, kaya naghihirap ang mga tsuper.
Kinatigan ito ni Senadora Nancy Binay na nagsabing pitong buwan nang walang kita ang napakaraming tsuper.
Batay sa pag-aaral ng Ibon Foundation, umabot na sa kabuuang P78,000 ang kitang nawala sa mga tsuper ng dyip sa National Capital Region (NCR) mula noong Marso 17.
Tiniyak ni Delgra kay Poe na kada linggo ay magbubukas ng ruta ang LTFRB.
Sunod namang tatapusin ng LTFRB ang implementasyon ng modernisasyon ng dyip, susog ni Delgra. (NELSON S. BADILLA)
