22 PINOY OFFICIALS STRANDED SA ISRAEL

(BERNARD TAGUINOD)

KINUMPIRMA ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na ilang opisyal sa lokal na pamahalaan ng Pilipinas ang naipit sa Israel kasunod ng tumitinding tensyon nito sa Iran.

Sa pahayag ni Fluss noong Martes, Hunyo 17, 2025, nasa 22 local government officials ang stranded sa Israel na binubuo ng 17 mayor at at limang local government representatives.

“About 17 mayors and local government representatives, then a few from the dairy industry. So altogether, we have 22 in Israel. I have to say that from what I see, they are feeling okay,” saad ni Fluss.

Ayon sa Philippine Embassy sa Tel Aviv, ang 17 alkalde ay nasa Israel para sa isang agricultural technology training na nagsimula pa noong Hunyo 10 at nakatakda sanang magtapos ngayong Hunyo 20. Habang ang ibang opisyal naman ay pawang dairy industry specialists mula sa Department of Agriculture.

Mag-iisang linggo na nang magsimula ang palitan ng missile attacks ng Israel at Iran kung saan isang Pinoy na ang naiulat na nasa kritikal na kondisyon.

Samantala, sinabi ni House spokesperson Princess Abante na walang miyembro ng 19th Congress ang naiipit o stranded ngayon sa Israel.

“What I can confirm now is walang member ng 19th Congress ang nasa Israel ngayon,” ani Abante at wala rin umano siyang impormasyon kung may mga mambabatas ang bumiyahe sa ibang bansa at dumaan sa nasabing bansa.

Sa isa namang panayam, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na dalawang mambabatas ang humingi ng travel authority para sa Israel subalit umatras ang mga ito matapos sumiklab ang giyera. Ang mga ito ay sina San Jose del Monte City Rep Florida Robes at Batangas Rep Lianda Bolilia.

Kaugnay nito, umapela si OFW party-list Rep. Marissa Magsino sa mga Pinoy sa Israel at Iran na kung hindi kailangan manatili sa nasabing bansa ay lumikas na habang may panahon pa dahil lumalala ang tensyon sa dalawang nabanggit na bansa.

Handang Ilikas

Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naghahanap ang gobyerno ng alternatibong ruta para sa ligtas na pagbabalik sa displaced Filipinos mula sa dalawang Middle East countries.

“Ang naging problema natin sa pag-evacuate sa kanila ay dahil sa giyera, maraming sarado na airport. Kaya’t naghahanap tayo ng ruta kung saan sila mailabas,”ani Marcos.

“But we have been able to do that and the first batch, in fact, (Department of Migrant Workers) Secretary Cacdac is already on his way to Jordan para ma-coordinate both the evacuees from Israel and evacuees from Iran,” aniya pa rin.

Tinuran pa ng Pangulo na ang repatriation ng mga apektadong Pilipino ay hindi ‘mandatory.’

Sa kabila nito, patuloy namang mino-monitor ng gobyerno ang kanilang sitwasyon at magbibigay ng tulong sa mga nais makauwi ng bansa.

Ayon sa government data, tinatayang 92 overseas Filipinos ang nagparehistro para sa voluntary repatriation, 82 mula sa mga ito ay bago ang April 19 Iranian attacks at 10 higit pa pagkatapos.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

90

Related posts

Leave a Comment