BATAS SA PAGGAMIT NG AI PINAPOPORMA

NABIGYANG pansin ang pangangailangan ng batas sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) technology matapos ang kontrobersya kung saan lumitaw na nagiging instrumento ito sa pagpapakalat ng kasinungalingan, maling impormasyon at naratibo.

Noong 2023, naghain ng panukala si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers para magtatag ng “superbody” o Artificial Intelligence Development Authority (AIDA) na magre-regulate sa paggamit ng AI Technology subalit hindi ito naipasa ng katatapos na 19th Congress.

Dahil dito, iginiit ng mambabatas na kailangang bigyan ng atensyon sa 20th Congress ang nasabing panukala.

Hangga’t hindi aniya nare-regulate ang paggamit ng AI ay lalala pa ang fake news, misinformation at disinformation na magiging daan para sa lalong pagkakawatak-watak ng mga Pilipino.

Kapag naipasa ang panukala, mababantayan ang mga walang prinsipyong indibidwal, mga dayuhang propagandista, lobbyist, mga tulisan at terorista na inaabuso ang teknolohiya para maisulong ang kanilang personal na interes.

“Mahirap yung patulog-tulog tayo sa pancitan sa mga bagay na ito,” ani Barbers. Idinagdag nito na “Tulad ng paghahanda natin, kasama na ang pamahalaan, sa mga sakuna tulad ng bagyo, baha, lindol, sunog at iba pa, dapat din natin paghandaan ang daluyong na pwedeng dalhin sa ating bansa ng AI technology. Kasama na rin dito ang pagharap at paggamit ng kabutihang maidudulot nito sa ating lipunan, bansa at ekonomiya”.

Naging mainit na paksa ang AI matapos ipost at ishare ni Sen. Ronald “Bato’ Dela Rosa ang isang AI video ng dalawang kabataang lalaki na tutol daw sa pagpapa-impeach kay Vice President Sara Duterte.

“Mabuti pa ang mga bata, nakakaintindi sa mga pangyayari. Makinig kayo mga yellow at mga komunista,” ang caption ni Dela Rosa sa AI video na kalaunan ay napag-alamang mga Thailander ang dalawang estudyante at ginawa ito sa Thailand.

Dahil dito, kinastigo ng mamamayan si Dela Rosa kasama si Duterte dahil sa pagtatanggol nito sa ginawa ng senador sa kabila ng katotohanan na AI ang video at hindi tunay na boses ng kabataang Pilipino.

Ani Barbers, dapat gayahin na ang United States (US), Great Britain, European Union at ilang ASEAN countries tulad ng Singapore na gumawa ng batas para i-regulate ang AI technology.

(BERNARD TAGUINOD)

78

Related posts

Leave a Comment