UMABOT sa 23 katao ang namatay sa COVID-19 sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area habang 8,196 na ang active cases sa nasabing bahagi ng Metro Manila, batay sa ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.
Mula sa 1,319 noong Setyembre 8, tumalon sa 1,337 ang total COVID deaths sa Caloocan City o karagdagang 18 casualties noong Setyembre 10, habang naging 3,334 ang active cases mula sa dating 3,187. Pumalo na sa 50,622 ang total confirmed cases sa Caloocan, at sa nasabing bilang ay 45,951 na ang gumaling.
Tatlo naman ang iginupo ng pandemya sa Valenzuela City noong Setyembre 10 habang 1,922 ang active cases matapos na 190 ang gumaling at 295 ang nagpositibo sa virus. Sumampa na sa 29,565 ang confirmed cases sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 26,972 na ang gumaling at 671 ang namatay.
Dalawang COVID patients naman ang binawian ng buhay sa Navotas City habang 1,888 ang active cases hanggang 11:59 pm noong Setyembre 9 matapos na 49 ang gumaling ngunit 158 naman ang nahawaan. Umakyat na sa 15,806 ang nasapul ng pandemya sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 13,444 na ang nakarekober habang 474 ang binawian ng buhay.
Walang naitalang namatay sa Malabon City dahil sa COVID noong Setyembre 10 ngunit 86 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 18,711 ang positive cases sa lungsod, 1,052 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Baritan (7), Catmon (7), Concepcion (1), Dampalit (2), Hulong Duhat (2), Ibaba (1), Longos (12), Panghulo (3), Potrero (23), San Agustin (3), Santulan (7), Tinajeros (9), Tonsuya (5), at Tugatog (4).
Habang 150 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 17,082 ang recovered patients ng siyudad. Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangay Muzon dahil muling nagkaroon COVID-19 ang isa sa mga ito. Mula sa 287 ay magiging 286 na lamang ang mga gumaling sa barangay. Nanatili naman sa 577 ang active cases sa Malabon. (ALAIN AJERO)
212 