NASUGATAN sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tatlong construction worker, kabilang ang isang kritikal ang kondisyon, makaraang mahulog mula sa ikatlong palapag ng ginagawang gusali sa Tondo, Manila noong Martes ng umaga.
Hindi pa nakukuha ang pagkakakilanlan ng mga biktima maliban sa isang binatilyong si alyas “Bebe”.
Base sa inisyal na ulat ng Manila Police District, bandang alas-9:45 ng umaga nang mangyari ang insidente sa ginagawang gusali sa Esguerra St. sa Tondo.
Napag-alaman na mahina ang tuntungan ng tatlo kaya umano nabali at bumulusok ang mga biktima.
Nakahawak umano ang pinakabata sa tatlo kaya kaunting galos lang ang dinanas nito ngunit ang pinakamatanda sa mga biktima ay nabiyak ang ulo.
Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang insidente kung dapat managot ang umano’y engineer nito. (RENE CRISOSTOMO)
