UMABOT sa 30 indibidwal, kabilang ang tatlong nasa hustong gulang, ang binitbit ng mga tauhan ng Manila Police District makaraang sumiklab ang riot sa Tondo, Manila nitong Martes ng madaling araw.
Ayon sa ulat, 27 menor de edad ang dinala sa Department of Social Welfare and Development – Recreation Action Center habang ang tatlong nasa hustong gulang ay dinala sa presinto para isailalim sa imbestigasyon.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo III, commander ng MPD-Jose Abad Santos Police Station 7, bandang alas-4:30 ng madaling araw nang sumiklab ang riot ng magkabilang grupo sa panulukan ng Solis St. at Dagupan Ext. sakop ng Brgy.165 sa Tondo.
Agad namang nagresponde ang mga miyembro ng Tactical Motorized Reaction Unit (TMRU) at mga tauhan ng Hermosa Police Community Precinct na isa-isang binitbit ang mga menor de edad gayundin ang tatlong nasa hustong gulang.
Nakuha sa mga suspek ang isang icepick, isang balisong, dalawang
improvised bomb (pillbox) at apat na firecrackers.
Ayon sa pulisya, naging malaya ang mga kabataan na magliwaliw sa kalye na dapat sanang ipagbawal muna lalo na kapag idinaraos ang taunang Simbang Gabi na nagkukumpulan lamang ang mga menor de edad. (RENE CRISOSTOMO)
