HANGGANG sa huling ulat, pito na ang mga atletang Filipinong nakapasok sa ipinagpalibang XXXII Games of the Olympiad na natakdang ganapin sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9 sa Tokyo.
Siyam, kung ibibilang ang dalawang babaeng golfer na sina Yuka Saso at Bianca Pagdanganan na halos ay nasa Tokyo na batay sa kanilang world ranking na gagamitin para makalaro sa nasabing Olimpiyada na dapat sana’y naidaos noong nakaraang taon pero ipinagpaliban dala ng COVID-19 pandemic.
Ang Bulakenyang si Saso, tubong San Ildefonso, Bulacan ay may kasalukuyang ranggong pang-22 sa daigdig, samantalang si Pagdanganan ay pang-43, at huwag lamang kapwa babagsak sa kanilang kasalukuyang ranggo ay sigurado nang makakamit ang kanilang upuan sa Olimpiyada.
Iyan ay kung tatanungin si National Golf Association of the Philippines secretary general Bones Floro na nagsabing tanging isang malaking sakuna na lamang ang makapipigil sa kanila para katawanin ang bansa sa kanilang sport sa darating na multi-nation na palaro na bininyagang “World’s Greatest Sports Show On Earth.”
“Yeah, kailangan na lamang nina Yuka at Bianca na huwag bababa sa pang-60 ang kanilang world ranking pagkatapos ng deadline isang buwan mula ngayon hanggang Hunyo 22 para hindi nila madala ang ating bandera sa golf tournament ng Olimpiyada,” paninigurong wika ni Floro, apo ng yumaong team manager ng maalamat na Crispa Redmanizers ng basketbol sa kolumnistang ito.
“All they have to do is play in the remaining tournaments where they’re committed to play and earn qualifying points before the Olympic qualifiers end in June,” paliwanag ni Floro. “At this point, it’s highly unlikely na they can’t make it.”
“Olympic qualifiers won’t end until June 22, they both have to keep on playing, and continue to earn points. With their current rankings by the International Golf Federation, I believe they’re already assured of a slot each.”
Ayon sa IGF Reallocation Reserve List for golf, ang pinakamagagaling na 60 manlalaro sa mundo – dalawa sa bawat bansa (lalake at babae) ang makapaglalaro sa Tokyo Olympics.
Apat na boksingero – men’s middleweight Eumir Marcial at men’s flyweight Carlo Paalam, women’s flyweight Irish Magno at women’s featherweight Nesthy Petecio – pole vaulter Ernest John Obiena, gymnast Carlos Yulo at weightlifter at Rio de Janeiro silver medalist Hidilyn Diaz ang mga naunang nakapasok na sa 2021 Games.
Bago magpatupad ng malawakang lockdown sa sports ang pamahalaan noong Marso ng nakalipas na taon, target sana ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission na makapagpadala ang bansa ng di kukulanginn sa 38 na atleta sa Olimpiyada.
May 17 National Sports Associations pa, maliban sa athletics, gymnastics at boxing ang natakdang magpadala ng kinatawan sa iba’t ibang Olympic Qualifiers sa kani-kanilang sports. Dahil naisara ang lahat ng training center sa buong bansa na ginawang mga quarantine facilities, napagkaitan ng pagkakataon ang marami nating atleta na makapaghanda ng maayos sa mga nalalapit na qualifiers. Ilan sa kanila ang mga nabigong makakuha ng tiket patungong Tokyo dahil sa kakulangan o tuwirang kawalan ng ensayo.
Sa kabila nito ay umaasa pa rin si POC president, Cong. Abraham “Bambol” Tolentino na kayang abutin pa ang tinatarget na 38-kataong pambansang delegasyon sa Tokyo, kasindami ng ipinadala natin noong 1964 Games sa Tokyo rin. Subalit kung aabot sa 30 o mahigit pa, ito na ang magiging pinakamalaki sa ilang dekadang nakalipas.
Ang 19-anyos na si Saso ay kasalukuyang kumakampanya sa Japan LPGA Tour kung saan siya nagwagi na ng dalawa mula nang mag-pro noong 2020. Sa kabilang dako, ang 23-anyos na si Pagdanganan ay naglalaro sa US LPGA. Ang dalawa ay kabilang sa PH team kasama ni Lois Kaye Go na nakapag-Suwi ng gintong medalya noong 2018 Asian Games sa Indonesia. Si Saso ang gold medalist sa individual competition at si Pagdanganan ang nakasungkit ng bronze.
