NILIMAS NA DONASYON SA BATANGAS CHURCH, NAREKOBER SA CAVITE

NATUNTON sa Cavite ang isang lalaking kasabwat sa pagnanakaw sa isang simbahan sa Batangas at narekober ang iba’t ibang foreign currencies at mga donasyon makaraang ipagyabang nito ang dala niyang malaking halaga ng pera sa Gen. Trias City, Cavite noong Lunes ng umaga.

Hawak na ng Gen. Trias Component City Police Station ang suspek na si alyas “Roland”, 32, ng Brgy. Adela Heights, Gandara Samar at nakatakdang i-turn over sa Lian Municipal Police Station habang pinaghahanap pa ang kasamahan nito na si alyas “Toto”.

Ayon sa ulat, pumasok ang suspek sa isang beerhouse sa Brgy. Manggahan, Gen. Trias City na may dalang sling bag at eco bag na may lamang malaking halaga ng pera na ipagyabang nito.

Ayon pa sa informant, nakitaan din ang suspek ng mga puting envelope na may markings ng isang simbahan.

Mabilis namang nagresponde ang pulisya sa lugar bandang alas-6:00 ng umaga kung saan tinangka pa ng suspek na tumakas subalit dahil sa mga dala nito ay hindi ito naka-eskapo.

Sa prisento, inamin ng suspek na ang dala niyang eco bag at sling bag ay naglalaman ng pera galing sa isang simbahan sa Batangas at sinamahan lamang nito ang isang alyas “Toto” na nagplano sa pagnanakaw.

Nakipag-ugnayan naman ang pulisya sa Lian Police Station sa Batangas matapos nakumpirma na ang mga donasyong pera ay galing sa St. John the Baptist Church sa Lian Batangas.

Kabilang sa mga naimbentaryo sa narekober na dala ng suspek ang isang Apple MacBook Air laptop, isang Samsung cellphone, isang Realme cellphone, 26 na iba’t ibang foreign currencies kabilang ang 479 Hong Kong dollars, 32 Singapore dollars, 1,140 Chinese currency, 164 UAE currency, 20 British pounds, 100 Oman currency, 5,000 Korean Won, P46,980.00 cash, dalawang wallet, isang unit ng cellphone, isang pares ng eyeglasses, isang deodorant, isang lighter, isang coin/can box, isang charger cord, isang sling bag, at isang 113 envelopes na may tatak ng simbahan.

Patuloy naman ang isinasagawang paghahanap kay alyas “Toto” na umano’y utak sa pagnanakaw.

(SIGFRED ADSUARA)

12

Related posts

Leave a Comment