4 BIÑAN COPS INIIMBESTIGAHAN SA PAMAMARIL

NAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang Cavite Police hinggil sa umano’y tangkang pamamaril ng apat na miyembro ng Biñan City Police (CPS) sa dalawang kalalakihan na nagsumbong sa kanila sa umano’y bentahan ng ilegal na droga sa kanilang nasasakupan, sa General Mariano Alvarez (GMA), Cavite nitong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktimang sina Renato Alcala, 39, at Erwin Cabatino, 58, vendor, na inginuso ang apat na umano’y miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Biñan City Police Station sa Biñan City, Laguna.

Ayon sa reklamo ng mga biktima kay P/MSgt. Jonarey Visca ng General Mariano Alvarez (GMA) Police, bago ang umano’y pamamaril sa kanila ay nagtungo sila sa Biñan City Police Station dakong alas-3:00 noong Miyerkoles ng hapon upang isumbong ang umano’y nagaganap na bentahan ng ilegal na droga sa Brgy. Wawa, Biñan City Laguna.

Sinabihan umano sila na i-report ito sa COMPAC na matatagpuan sa Brgy. Wawa, Biñan City, Laguna na nakasasakop sa lugar gayunman naghintay sila ng mahigit dalawang oras ngunit wala silang nakitang naka-duty na pulis sa lugar kaya bumalik sila sa Biñan CPS dakong alas-7:30 ng gabi at itinuro naman sila sa isang operatiba ng Intelligence Unit.

Matapos na mag-usap, sinamahan umano ng kausap na Intel operatives si Alcala sa Brgy. Wawa at nagsagawa sila ng surveillance operation pero nang hindi nila makita ang lugar na binabanggit nito ay nagalit umano ang mga pulis kaya pinagsusuntok siya at piniringan.

Ang kasamahan naman niyang naiwan sa Biñan CPS ay sinundo ng isa pang operatiba at dinala rin sa COMPAC at inutusan silang dalawa na umangkas sa dalawang motorsiklo at ibinaba sa Congressional Road, Brgy. F. De Castro, GMA, Cavite dakong alas-12:10 ng madaling araw kung saan pinutukan si Alcala subalit hindi ito tinamaan.

Tumakas naman si Cabatino at tumakbo sa kabahayan sa lugar habang ang mga operatiba ay umalis na sa lugar.

Agad namang nagsumbong ang dalawa sa Bantay Bayan sa Brgy. Caliwag sa GMA saka itinurn-over sila sa GMA Police station kung saan nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa sumbong ng dalawa. (SIGFRED ADSUARA)

199

Related posts

Leave a Comment