APAT na Chinese national na sinasabing pawang sangkot sa fraud at smuggling, ang naaresto sa isinagawang joint law enforcement operation ng militar at pulisya sa Barangay Nueva Vida, M’lang, Cotabato.
Kinilala ang mga nadakip na sina Liu Dezhen, Tang Zhongyi, Tianpei Wu, at Wang Lian Xu.
Una rito, isang dragnet operation ang inilatag sa pakikipagtulungan ng Bureau of Immigration (BI), National Bureau of Investigation Region 12 (NBI-12), Philippine Drug Enforcement Agency Region 12 (PDEA-12), at Philippine National Police (PNP-M’lang MPS), na suportado ng AFP Joint Task Force Central at 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army.
Sinasabing ang mga suspek ay pawang sangkot sa fraudulent activities at smuggling operations sa Alpha Household Miscellaneous Chemical Products Manufacturing sa Barangay Nueva Vida, M’lang, North Cotabato.
Lumitaw sa imbestigasyon, ang mga suspek ay nagtatrabaho nang walang valid visas o dinaya ang kanilang visa status.
Ayon kay Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central (JTFC), lubhang naging mahalaga ang papel na ginampanan ng militar sa pagsuporta sa law enforcement agencies.
Responsibilidad ng 6ID/JTFC na i-secure ang operation site at tiyakin na maipatutupad ng Bureau of Immigration ang kanilang mandato nang walang balakid at naaayon sa alituntunin ng batas at tiyakin ang kaligtasan ng sangkot na law enforcement agencies.
“The successful arrest of these individuals reflects the strong collaboration between law enforcement agencies and the military in upholding our nation’s laws.”
“The 6ID/JTFC remains committed to assisting government agencies in ensuring national security and protecting communities from illegal activities,” pahayag ni Maj. Gen. Gumiran.
Pinapurihan din ng heneral ang Bureau of Immigration, NBI, PDEA, at PNP sa kanilang pagsisikap kasunod ng pagtiyak na tuloy-tuloy ang suporta ng militar sa a darating pang law enforcement operations.
(JESSE KABEL RUIZ)
