NAHULOG sa kamay ng mga tauhan ng Manila Police District ang apat na miyembro ng tinaguriang “Dura Dura” gang na umano’y perwisyo sa mga pasahero ng bus sa Maynila.
Unang nadakip sa Plaza Lawton, Ermita, Manila ang dalawang suspek na sina Jayson Libanin y Aquino, 26, ng #482 Maganda St., Sampaloc, at Mark Bactol y Aquino, 30, binata ng #121 V. Mapa St., sakop ng Sampaloc.
Ayon kay P/Major Virgilio Platon, block commander ng MPD-Lawton Police Community Precinct, sakop ng Station 5, isang tawag ang kanilang natanggap hinggil sa pananalisi ng mga suspek sa loob ng bus.
Bunsod nito, agad nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at dakong alas-7:30 ng gabi noong Martes nang madakip sina Libanin at Bactol sa isang transport bus.
Ayon sa ulat ng pulisya, naispatan ni P/Major Platon, habang lulan ito ng mobile car 159, ang dalawang suspek habang sakay ng pampasaherong bus patungo sa Liwasang Bonifacio kaya sinundan nila.
Positibo namang itinuro ng mga pasahero ang dalawang suspek.
Kasunod nito, itinuga nina Libanin at Bactol ang kasama nilang dalawa pang mga suspek na sina Richard Moreno y Chua, 39, at Erwin Obemio y Eluma, 36, kapwa residente sa #1035 Matimyas St., Sampaloc.
Nagtangka pa umanong tumakbo ang isa sa mga ito kaya pinaputukan sa paa.
Nauna rito, naging sakit ng ulo sa mga pasahero ang mga suspek na ang modus ay dudura sa sahig saka lalansihin at dudukutan ang kanilang target. (RENE CRISOSTOMO)
205
