TAYABAS CITY – Apat na estudyante ang patay matapos na ang kanilang sinasakyang van ay sumalpok sa likuran ng truck sa Maharlika highway sa lalawigang ito dakong alas -3:00 ng madaling araw nitong Miyerkoles.
Kinilala ng Tayabas City Police ang mga namatay na sina Juan Carlos Alvarez, 22; Enrique Garcia, 20; Marga Elayne Ramirez, 18, at Michaela Jeuel Solomon, 23, pawang mga estudyante at residente ng Candelaria, Quezon.
Lumabas sa imbestigasyon ng Tayabas City Police, mabilis ang takbo ng Toyota Innova van na sinasakyan ng mga biktima nang sumalpok ito sa sinusundang forward truck sa paakyat na bahagi ng highway sa Barangay Calumpang.
Galing Lucena ang van at patungo sa Candelaria nang mangyari ang insidente.
Ayon sa driver ng truck, dahil sa bigat ng kanilang karga, hindi niya namalayan ang pagsalpok at inakala niyang pumutok lamang ang isang gulong nila sa hulihan matapos makarinig ng ingay mula roon.
Subalit nang itinatabi na nito ang truck, doon niya nakita sa side mirror nakaladkad na nila ang van ng 15 hanggang 20 metro ang layo.
Dumanas ng grabeng pinsala ang mga biktima na agad nilang ikinamatay.
Ikinustodiya naman ng Tayabas PNP ang driver ng truck. (NILOU DEL CARMEN)
257
