PATUNG-PATONG na kaso ang inihain sa Office of the Ombudsman laban sa apat na matataas na opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Batay sa 19-pahinang complaint affidavit nina Atty. Harry Roque at Ken Sarmiento, ang dating pinuno ng POEA Philhealth Operations Office, ang mga inireklamo ay sina Dennis Mas, Philhealth Senior Vice President; Ruben John Basa, Executive Vice President; Narisa Sugay, Vice President for Member Management Group; at Gilda Salvacion Diaz, Vice President ng Philhealth-NCR.
Mga reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, dereliction of duty, grave misconduct, grave abuse of discretion, gross negligence of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service ang isinampa laban sa mga nabanggit.
Batay sa reklamo, sa kabila ng pagkakadiskubre ng modus ng ilang mga taga-Philhealth at Liaison Officer ng Manning Services, wala umanong ginawa ang mga nabanggit na opisyal upang imbestigahan at papanagutin ang mga nasa likod ng katiwalian.
May kinalaman ito sa pamemeke ng mga resibo ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagbabayad ng kanilang membership fee.
Ayon sa alegasyon, pinaghahatian umano ng mga liaison officer ng manning agencies at mga taga-Philhealth ang bayad ng bawat OFW na P2,400.
Aabot sa P16.854 milyon na halaga ng bayad ng mga OFW para sa Philhealth membership ang hindi nai-remit at ibinulsa umano ng mga tiwali.
Sinabi ni Sarmiento na una niyang nadiskubre ang modus ng pamemeke ng resibo noong 2014 at nagpatuloy ito hanggang 2018. Subalit sa kabila aniya ng kanyang inihaing reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI), hindi umaksyon ang matataas na opisyal ng Philhealth hinggil dito.
Dismayado rin si Sarmiento dahil sa halip na purihin ang kanyang nadiskubreng modus ay sinibak pa siya sa puwesto noong nakaraang taon. JG TUMBADO
