HINDI muna pahihintulutang pumalaot ng Philippine Coast Guard ang isang fishing vessel kung saan apat na tripulante nito ang namatay nang makalanghap ng nakakasulasok na kemikal nito lamang Huwebes sa Zamboanga City.
Sa isang pahayag, sinabi ng tagapagsalita ng Philippine Coast Guard na si Commodore Armand Balilo na patuloy pang sinisiyasat ng Southwestern Mindanao sektor ng PCG ang sanhi ng pagkamatay ng apat katao kabilang ang Kapitan ng barkong 558 Julius.
Bukod sa kapitan ng barko na si Joseph Oro, wala din buhay nang datnan sa loob ng fish cold storage facility ng nasabing sasakyang dagat si 3rd Mate Marjon Oro, at mga tripulanteng sina Billy Lamag at Charlie Caspe.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na naglilinis ng fish storage ng naturang barko ang mga tripulante nang makaranas ng pagkahilo at paninikip ng dibdib habang nakaangkla ang sasakyang pandagat sa karagatang sakop ng Barangay Talisayan sa Zamboanga City.
Gamit ang isang submersible pump, nilinis umano nina 3rd Mate Oro at tripulanteng si Lamag ang fish storage kung saan nakaimbak ang natunaw na yelo at mga bulok na isda. Nakuha pa umanong humingi ng saklolo sina Oro at Lamag nang makaramdam ng pagkahilo at paninikip ng dibdib.
Agad namang bumaba sa storage area ang kapitan ng barko kasama si Caspe upang sumaklolo subalit sa kasamaang palad, maging sila’y naapektuhan, at kalaunan ay nawalan na ng malay.
Wala nang buhay ang apat nang matagpuan ng ibang tripulante ng barko.
Asphyxia secondary to drowning at acute respiratory distress syndrome secondary to toxic inhalation of unknown gas ang itinuturong dahilan ng pagkamatay ng mga biktima. (JESSE KABEL)
150 