APAT na priority measures sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) Common Legislative Agenda ang target ipasa ng Kamara bago ang recess sa Marso 18.
Ayon kay House Majority Leader Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, kapag naaprubahan ang apat na panukala ay aabot na sa 17 LEDAC measures ang maipapasa mula sa kabuuang 52 priority bills ng administrasyon.
“We are right on track to approving LEDAC measures on time. The public does not live on promises alone, they need results,” ani Marcos.
Dagdag pa niya, nagsusumikap ang House of Representatives na maipasa ang mga panukalang ito dahil direktang makikinabang ang mga pamilyang Pilipino kapag naging batas ang mga ito.
Pinuri rin ni Marcos ang liderato ni House Speaker Faustino Dy sa mabilis na pag-aksyon ng Kamara sa mahahalagang panukala.
Kabilang sa target ipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang:
Travel Tax Abolition
Digital Payments Act
Amendments to the Universal Access to Quality Tertiary Education Act
Presidential Merit Scholarship Program
Ayon pa kay Marcos, nasa iba’t ibang yugto na ng pag-apruba ang iba pang priority measures.
Nasa ikalawang pagbasa na ang Anti-Political Dynasty Bill, National Land Use Act, at Amendments to the Biofuels Act.
Samantala, nasa committee level pa ang ilang panukala kabilang ang Modernizing the Bureau of Immigration, Independent People’s Commission, Amendments to the Magna Carta for MSMEs, Disaster Risk Financing Insurance, Classroom-Building Acceleration Program, Amendments to the 4Ps Act, at Reprogramming of Seal of Good Local Governance.
Mayroon ding 25 LEDAC priority measures na kasalukuyang tinatalakay sa technical working group discussions.
(TINA MENDOZA)
86 