May konek sa malaking sindikato? PAIHI SA LAGUNA AT NAVOTAS SISILIPIN NG PNP

IPINAG-UTOS ni PNP chief, General Jose Melencio Nartatez Jr., na laliman pa ang imbestigasyon para matukoy ang mga nasa likod ng sinasabing organisadong sindikato sa oil pilferage sa bansa.

Inaalam na sa ngayon kung may kaugnayan sa malaking sindikato ang natuklasan na ilegal na operasyon ng langis o paihi na nadiskubre sa Navotas City at sa isang resort sa San Pablo City, Laguna.

Sinabi ng hepe ng Pambansang Pulisya, ang mga nahuling ilegal na paihi ay maaaring parte ng mas malaking sindikato ng paihi sa bansa.

Noong Abril 8, inaresto ng mga awtoridad ang anim na indibidwal sa loob ng isang hotel and resort compound sa San Pablo City, Laguna.

Nag-ugat ang pagkaaresto sa anim na mga suspek makaraang matuklasan na nagsasagawa ng ilegal na pag-iimbak ng petrolyo na labag sa Oil Pilferage Law, habang nasa 500 litro ng fuel at iba pang kagamitan ang nasamsam sa mga ito.

Isang araw bago ito, siyam katao rin ang naaresto habang 65,000 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P9.75 milyon, ang nakumpiska sa isang raid sa Navotas Fish Port Complex sa Barangay North Bay Boulevard South (NBBS), Navotas City.

(TOTO NABAJA)

97

Related posts

Leave a Comment