40 biktima sumugod sa presinto ILLEGAL RECRUITER NASAKOTE NG MPD

KALABOSO ang isang 66-anyos na lalaking umano’y ilegal recruiter na bigong mapaalis ang mga biktimang gustong magtrabaho sa ibang bansa, nang maaresto ng mga awtoridad sa isang fast food restaurant sa Malate, Manila, iniulat ng pulisya nitong Biyernes.

Kinilala ni P/Major Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District- General Assignment and Investigation Section, ang suspek na si Epifanio Supapa, may asawa, ng #137 Daang Bakal St., Ampid 1, San Mateo, Rizal.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Patrick Gregorio, bandang alas-6:00 ng gabi noong Pebrero 4, nagsagawa ng surveillance operation ang kanyang mga kasamahan sa isang fast food restaurant sa Malate laban sa suspek.

Ito ay makaraang ireklamo sa himpilan ng pulisya ng 40 biktima na bigong paalisin ng suspek para magtrabaho sa ibang bansa.

Nang makita ang suspek ay agad itong binitbit ng mga awtoridad at dinala sa MPD Headquarters.

Kuwento ng mga complainant, pinangakuan sila ng suspek ng trabaho bilang factory worker sa New Zealand kapalit ng tig-P15,000 bilang placement fee.

Gayunman, matapos makuha ang kanilang pera ay hindi na nagpakita ang nasabing suspek.

Isa sa mga biktima ang nakakita sa suspek sa lugar kaya mabilis itong nagtungo sa MPD- GAIS na nagresulta sa pagkakaaresto kay Supapa. (RENE CRISOSTOMO)

 

197

Related posts

Leave a Comment