IGINIIT ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na hindi ang pagpapatupad ng traffic rules ang problema kundi ang sobrang taas ng multa sa ilalim ng Joint Administrative Order (JAO).
Ito ay kasunod ng panawagan ni Swerte Party-list Rep. Arlyn Ayon na pansamantalang suspendihin ang panghuhuli sa traffic violators sa gitna ng tumataas na presyo ng petrolyo.
Umani ng negatibong reaksyon ang panukala mula sa ilang traffic enforcement agencies na nagsabing maaaring magdulot ito ng kaguluhan sa mga lansangan.
Gayunman, ayon sa LCSP, mas makabubuting rebisahin ang JAO dahil matagal na umanong pinapasan ng transport sector ang mataas na penalties sa ilalim nito.
“Excessive penalties which are no longer reasonable must not only be suspended but must be disregarded,” ayon sa grupo.
Nanawagan ang LCSP kay Rep. Ayon na pangunahan ang pagrepaso sa JAO upang mapababa ang mga multa na matagal nang binabalikat ng transport sector.
61 