PINALALAKAS ng Department of the Interior and Local Government ang pagsusulong ng desentralisasyon upang higit na mapalakas ang lokal na pamamahala at mabigyan ng mas malaking kapangyarihan ang mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng reporma at pagpapaunlad ng komunidad.
Ayon sa DILG, layunin ng hakbang na palakasin ang lokal na awtonomiya at gawing mas aktibo ang mga LGU sa pamamahala, pangangalaga sa likas na yaman at sustainable development sa kani-kanilang lugar.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan inilunsad ang Decentralization and Local Governance Reform Advocacy Program (DLGRAP) upang tulungan ang LGUs sa paggawa ng polisiya at pagpapatupad ng reporma.
Kabilang sa mga aktibidad ang forum sa Aklan na nagresulta sa Boracay Declaration, isang panawagan para sa sama-samang pangangalaga sa yamang-dagat at inklusibong pag-unlad.
Tinalakay rin ang desisyon ng Supreme Court of the Philippines sa kaso ng BFAR vs. Mercidar Fishing Corporation na nagbigay-diin sa pangangailangan ng malinaw na polisiya sa municipal waters at proteksiyon sa mga mangingisda.
Sa kabuuan, nagsagawa ang DILG ng 20 kumperensiya sa buong bansa kung saan ipinresenta ang 86 pag-aaral tungkol sa fiscal autonomy, digital governance, professionalization ng barangay officials at youth participation.
Pinalakas din ang papel ng kabataan sa pamamagitan ng National Youth Summit 2025, habang inilunsad naman ang Barangay Merger Toolkit sa Ormoc City upang gabayan ang LGUs sa pagsasama ng mga barangay para sa mas mahusay na serbisyo.
Plano rin ng DILG na palawakin pa ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor sa pamamagitan ng Talakayang Maihayag sa Bayan on Decentralization at 2026 ReDeCon upang higit pang palakasin ang suporta sa mga reporma.
(JESSE RUIZ)
49 