(NI BETH JULIAN)
TINATAYANG nasa 300,000 hanggang 400,000 ektarya ng lupa ng gobyerno sa buong bansa ang ipamumudmod ng administrasyong Duterte para sa mga beneficiaries ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Ito ang tiniyak ng Malacanang matapos ihayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa Balay Kauswagan sa Sagay City, Negros Occidental kung saan inatasan na nito ang DAR kailangan sa huling tatlong taong natitirang panahon ng kanyang panunungkulan ay maipamahagi na ang mga lupa ng gobyerno, kabilang ang mga nasa bundok, sa mga beneficiaries ng agrarian reform.
“I told DAR Secretary John Castriciones to give it to the people, including land located in the mountains Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), it is the law and I will implement the law,” ani Pangulo.
Ipinaliwanag ng Pangulo na nagiging mabagal ang distribusyon ng mga lupa na nasa ilalim ng CARP dahil may mga tao na patuloy na kumokontra na ibigay ang kanilang mga lupa.
Bukod pa sa lupang sakahan, ipinangako rin ng Pangulo sa mga agrarian reform beneficiaries na tumanggap ng kanilang Certificates of Land Ownership Award (CLOA) na bibigyan din ng fertilizer at support service.
Pagkakalooban din ng Pangulo ng cellphone ang bawat beneficiaries na gagamitin para makapagreklamo ang mga ito kapag hindi natupad ang kanyang mga pangako.
Sapul nang ipatupad ang CARP noong 1988, limang milyong ektarya na ng lupa ang naibahagi ng gobyerno sa tatlong milyong magsasaka.
164