DUMALO si Senator Robin Padilla sa unang preliminary investigation (PI) sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng reklamong obstruction of justice laban sa kanya at iba pang respondents.
Sa pagdinig, nakita ng prosecution panel na may mga kulang pang dokumento mula sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Dahil dito, pinagsusumite muna ng prosekusyon ang mga awtoridad ng karagdagang dokumento at requirements bago ituloy ang susunod na hakbang sa preliminary investigation.
Itinakda sa Oktubre 9 ang susunod na PI, ngunit sinabi na hindi na umano personal na dadalo si Senator Robin Padilla at mga abogado na lamang niya ang kakatawan sa kanya.
Sa Nobyembre 12 naman itinakda ang pagsusumite ni Padilla ng kanyang counter-affidavit, kabilang ang kinakailangang panunumpa rito.
Dumalo rin sa PI si Atty. Jimmy Bondoc, ngunit sinabi niyang ibang kliyente ang kanyang kinatawan sa kaparehong kaso. Tumanggi naman siyang pangalanan ang kliyente dahil sa prinsipyo ng privacy.
Samantala, nagpatuloy sa labas ng DOJ ang programa ng mga tagasuporta ni Padilla. Hinarap din sandali ng senador ang kanyang mga tagasuporta at nagpasalamat sa kanilang suporta.
Dumating din sa DOJ si Senator Bong Go upang ipakita ang suporta sa kanyang kapwa senador at nagbigay ng maikling pahayag.
Nagdaos naman ng kilos-protesta sa harapan ng DOJ ang iba’t ibang grupong sumusuporta kay Padilla, kabilang ang mga lider ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-LABAN), DUTERTE Youth, Inday Sara Duterte Advocacy (ISDA), Eagles Brotherhood at mga lider ng Muslim Community.
Tumuligsa ang mga grupo sa subpoena at preliminary investigation ng DOJ laban kay Padilla kaugnay ng reklamong obstruction of justice.
Ang reklamo ay may kaugnayan sa alegasyon na naging kasangkapan umano si Padilla sa pagtakas ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa mula sa Senado noong Mayo 14, 2026.
(JULIET PACOT)
81 