MULING nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa mga residente ng coastal communities kaugnay ng posibleng pagbagsak ng rocket debris mula sa rocket na inilunsad ng China.
Pinayuhan ng PhilSA ang mga residente sa coastal communities na agad ireport sa lokal na awtoridad ang anumang hinihinalang debris matapos makumpirma ang paglulunsad ng China sa Long March 8A rocket nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa PhilSA, inilunsad ang rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan, bandang alas-9:33 ng gabi, Philippine time.
Batay sa scientific calculations ng ahensya, kabilang sa mga posibleng bagsakan ng rocket debris ang ilang itinalagang drop zone malapit sa Patag Island, Bajo de Masinloc, El Nido, Busuanga, Puerto Princesa, Tubbataha Reefs Natural Park, Pangutaran sa Sulu at Hadji Muhtamad sa Basilan.
Sinabi ng PhilSA na inilabas ang impormasyon tungkol sa mga drop zone sa pamamagitan ng Notice to Airmen (NOTAM), habang naglabas din ang ahensya ng pre-launch report sa mga kaukulang government agencies.
Nagbabala ang PhilSA sa publiko na huwag hawakan o pulutin ang anumang hinihinalang rocket debris dahil maaari itong maglaman ng mga nakalalasong sangkap, kabilang ang rocket fuel.
“PhilSA reiterates its advice for the public to inform local authorities if suspected debris is sighted,” paalala ng ahensya.
(JESSE RUIZ)
123 