8 NATIONS JOINT MARITIME ACTIVITY, TAGUMPAY; CHINA WARSHIP BUMUNTOT SA FORMATION

MATAGUMPAY na naidaos ng walong bansa, kabilang ang Pilipinas, ang Joint Maritime Security Cooperative Activity sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS), kasabay ng iniulat na pagkabigo ng isang routine Rotation and Resupply (RoRe) mission ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Ayungin Shoal.

Sama-samang naglayag sa formation sa WPS ang mga naval vessel ng Pilipinas at pitong iba pang bansa bilang bahagi ng joint maritime exercise, ayon sa Philippine Navy.

Ayon sa Philippine Navy Public Affairs Office, bahagi ang aktibidad ng ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus Experts’ Working Group sa Maritime Security Joint Cooperative Activity at Future Leaders’ Program.

Sa pangunguna ng Pilipinas, lumahok sa naval exercise ang mga pwersa mula sa United States, Japan, Australia, India, New Zealand, Singapore at Brunei.

Pinangunahan ng Philippine Navy frigate BRP Jose Rizal (FFG14) ang column formation, habang nagsagawa naman ng coordinated maneuvering at navigation ang iba pang warships.

Kabilang sa mga lumahok na barko ang Philippine Navy landing dock BRP Tarlac (LD601); isang US Navy littoral combat ship; Royal Australian Navy frigate; Japan Maritime Self-Defense Force (JMSDF) helicopter destroyer; Royal New Zealand Navy frigate at sustainment vessel; Indian Navy frigate at corvette; Republic of Singapore Navy littoral ship; at Royal Brunei Navy patrol ship.

“Through the activity, the Philippine Navy continues to strengthen interoperability and cooperation with regional and international partners in support of a secure, peaceful, and resilient maritime region,” ayon sa Philippine Navy.

Nabatid din na bumuntot ang isang China warship sa isinasagawang Joint Maritime Cooperative Activity. Dahil dito, iniulat na ni-radyo ito ng Philippine contingent sakay ng BRP Jose Rizal at inimbitahang sumali at sumunod sa formation.

Naudlot na RoRe

Samantala, hindi naman natuloy ang routine humanitarian Rotation and Resupply (RoRe) mission ng AFP sa Ayungin Shoal matapos umanong mahadlangan ng tatlong People’s Liberation Army Navy (PLAN) warships at limang China Coast Guard (CCG) vessels, kabilang ang dalawang Houbei-class missile boats.

Ayon sa AFP, hinarangan umano ng mga Chinese warship at coast guard vessel ang resupply mission para sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal bandang alas-8:35 hanggang alas-11 ng gabi kamakalawa.

Naglalayag ang M/V Lapu-Lapu kasama ang tatlong Philippine Navy at Philippine Coast Guard support vessels nang maharang umano ng mga barko ng PLAN at CCG, tinatayang 60 nautical miles mula sa Ayungin Shoal.

Dahil dito, hindi natuloy ang paghahatid ng supplies at rotation ng mga personnel na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.

Gayunman, nilinaw ni AFP Navy spokesperson for West Philippine Sea Rear Adm. Roy Vincent Trinidad na walang aktwal na panghaharang o harassment na naganap at naging judgment call ng ground commander na huwag nang ituloy ang misyon upang maiwasang lumala ang sitwasyon, lalo’t gabi at malakas ang alon.

Ayon kay Rear Adm. Trinidad, walang naganap na escalation o aktuwal na harassment dahil hindi na umano pinaabot sa ganoong sitwasyon.

Ipinaliwanag din niya na dati ay nakalalapit pa ang mga barko sa Ayungin Shoal hanggang nasa humigit-kumulang 10 nautical miles, ngunit ngayon ay nasa 60 nautical miles pa lamang ay nahaharap na sa ganitong sitwasyon.

Ayon naman sa AFP, ang mga kilos ng Chinese vessels ay “irresponsible” at “reckless” at hindi naaayon sa mga umiiral na probisyon ng COLREGs at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), gayundin sa mga karapatang kinilala para sa Pilipinas sa 2016 Arbitral Award.

Dahil sa posibilidad ng escalation na maaaring maglagay sa panganib sa mga tauhan at barko ng Pilipinas, pansamantalang sinuspinde ang RoRe mission.

(JESSE RUIZ)

87

Related posts

Leave a Comment