NAGWAKAS ang pagtatago ng isang suspek sa kasong rape at itinuturing na No. 4 most wanted person sa Samar, nang nasakote ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group sa lungsod ng Navotas nitong Lunes.
Ayon kay PNP-AKG Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, armado ng warrant of arrest, bandang alas-8:30 ng umaga, sinalakay ng kanyang mga tauhan ang pinagtataguan ng suspek na si John Eric B. Rueda, na sinasabing gumahasa sa isang alyas Che-che, 16-anyos, noong taong 2003.
Sa impormasyong ibinahagi ni PNP-AKG spokesman, P/Maj. Rannie Lumactod, si Rueda ay kabilang sa nakatala sa One Time Big Time Operation ng PNP sa kalakhang Maynila, kaya pinangunahan ni P/Col. Edward M. Cutiyog, hepe ng PNP-AKG-IRAD, ang surveillance police Operations at pagsisilbi ng warrant of arrest .
Sa tulong ng Navotas PNP at Zumarraga MPS, nadakip si Rueda sa kanyang pinagtataguan sa C-Road sa Navotas sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Sinforiano A. Monsanto, Presiding Judge ng RTC Branch 27, ng 8th Judicial Region, Catbalog, Samar, para sa kasong rape at walang piyansang inirekomenda.
Ang suspek ay itinuturong gumahasa sa isang mentally challenge na dalagita, sa Barangay Camay Se, Zumarraga, Samar at nang pumutok ang kaso ay nagtago ito sa iba’t ibang lugar hanggang sa nagtrabaho pa ito sa abroad bilang isang OFW sa Dubai noong 2003 hanggang 2007.
Pagbalik sa Pilipinas ay muli itong nagtago sa loob ng 16 taon at nasangkot sa illegal drug trade. (JESSE KABEL)
126