5 DRUG SUSPECTS NABITAG SA QC

TINATAYANG aabot sa halagang P102,000 halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska ng mga operatiba ng Galas Police Station (PS-11) at Holy Spirit Police Station (PS-14) ng Quezon City Police District habang limang drug suspect ang nadakip sa magkahiwalay na anti-drugs operation sa nabanggit na lungsod.

Kinilala ni PS-11 commander, P/Lt. Col. Von June Nuyda, ang mga arestado sa unang operasyon na sina Jeff Orge, 22; John Lloyd Angelo Delos Reyes, 21, at Mark Joseph Escoto, 24-anyos.

Ang tatlong suspek ay naaresto bandang alas-10:15 noong Miyerkoles ng gabi sa Bayani St., Brgy. Doña Imelda, Quezon City.

Nakumpiska sa tatlong suspek ang 10 grams ng shabu na tinatayang P68,000 ang halaga, cellular phone, at ang buy-bust money.

Kinilala naman ni PS-14 commander, P/Lt. Col. Jeffrey Bilaro, ang iba pang mga nadakip na sina Nathaniel Iranga, 24, at Norman Iranga, 46-anyos.

Ang dalawa ay nadakip bago maghatinggabi noong Miyerkoles sa Kapalaran St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City at nakumpiskahan ng 5 gramo ng hinihinalang shabu na P34,000 halaga at ang buy-bust money.

Ang arestadong mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Tuloy-tuloy po ang ating operasyon sa buong Kamaynilaan kontra sa laganap na paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga. Asahan po ninyong hindi magsasawa ang ating mga kapulisan sa pagsasagawa ng mga ganitong operasyon at mas pinaigting ang kampanya kontra ilegal na droga,” ayon kay P/MGen. Vicente Danao Jr., Regional Director National Capital Region Police Office. (LILY REYES)

213

Related posts

Leave a Comment