NADAKIP ng mga tauhan ni PNP-PRO5 director, P/BGen. Jonnel C. Estomo ang lima pang mga suspek sa gang rape sa isang menor de edad sa pamilihang bayan sa Libon, Albay.
Unang nadakip ng PNP-PRO5 sa pangunguna ng Libon Municipal Station, ang magkapatid na suspek sa insidenteng nangyari noong Setyembre 19, 2011.
Ayon kay P/BGen. Estomo, ang pagkakadakip sa magkapatid na akusado ay naging daan upang matunton ang lima pang mga suspek sa gang rape sa isang 16-anyos na dalagita sa ikinasang law enforcement operation sa magkakaibang lugar sa labas ng rehiyon.
Magugunitang unang nadakip ang magkapatid na sina Jerome Napay Fernandez, top 2 most wanted person sa Libon, sa Brgy. Kaong, Silang, Cavite, at Joshua Fernandez sa Brgy. Maguyepyep, Sallapadan, Abra.
Kasunod nito, nagkasa ang Albay Police Provincial Office, sa pamumuno ni Provincial Director P/Col. Arnold Santiago, ng all-out manhunt operation sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte noong Abril 11, 2012.
Sunod-sunod na nahuli ng pinagsanib pwersa ng Libon MPS na pinamumunuan ni P/Maj. Tapel, kasama ang 1st PMFC; PIU Albay PPO; RMFB 5; at ibang pang mga yunit, ang lima pang mga suspek na sina Wanted Kenneth Samuel Tarbina, 27, nadakip sa Brgy. Masinag, Antipolo City; Pablo Buban Roquio, 27, nadakip sa Brgy. Jesus Dela Peña Riverbank, Marikina City; Joshua Camo Gonzales, 24, nadakip sa Brgy. E. Rodriguez, Quezon City; Melboy Pelitina Olicia, 30, nadakip sa Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City, at Edmond Bronosa Fernandes, 27, nasakote sa Saint Francis V, Brgy. Canlalay, Biñan City
Lahat ng mga akusado ay walang pagkakataong makapagpyansa sa kasong panggagahasa sa isang 16-anyos na dalagita na nangyari sa palengke ng Libon, Albay dakong 10:30 ng gabi.
“Di tayo mapapagod na gawin ang nararapat sa ating sinumpaang tungkulin na patuloy nating mapanatiling tahimik at ligtas ang mamamayan ng Bicolandia at sa inyong pakikipagtulungan, abot-kamay natin ang hustisya para sa mga nabiktima nila,” pahayag ni P/BGen. Estomo.
Samantala, arestado rin ng mga tauhan ng PNP-PRO5 ang no. 6 most wanted person sa kasong murder na miyembro ng communist terrorist group (CTG) sa Castilla, Sorsogon noong Sabado.
Kinilala ni PNP-PRO5 director, P/BGen. Jonnel C. Estomo ang nadakip na si Isidro Caño y Andres, residente ng Brgy. Amomonting ng nabanggit na bayan, kasapi ng Larangan 1, Kilusang Partido 3, at Bicol Regional Party Committee (BRPC) na nag-o-operate sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon sa ulat, dakong alas-1:05 ng hapon noong Sabado nang madakip ang suspek ng mga tauhan ng ng PNP-PRO5 Castilla MPS (lead unit) kasama ang mga operatiba ng 1st and 2nd PMFC Sorsogon PPO, PIU Sorsogon, 92nd SAC and 9th SAB PNP-SAF sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Victor C. Gella, acting presiding judge ng Branch 53, 5th Judicial Region, Sorsogon City, Sorsogon. Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa nasabing suspek.
Ang suspek ay responsable umano sa mga pagpatay sa lalawigan ng Sorsogon.
Makaraang mabatid na may lumabas na warrant of arrest laban sa kanya ay 12 taong nagtago ang suspek ngunit nadakip sa Castilla, Sorsogon noong Sabado. (JESSE KABEL)
160
