5 NPA PATAY SA OPENSIBA SA CAGAYAN

LIMANG kasapi ng communist New People’s Army ang napatay sa inilunsad na military offensive ng mga tauhan ng 501st Infantry Brigade (501IBde) sa ilalim ng 5th Infantry “Star” Division (5ID) sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan.

Sa ulat na natanggap ni Northern Luzon Command chief, Lt. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos, tumagal ng halos dalawang oras ang bakbakan laban sa tinatayang 40 rebelde na hinihinalang mga miyembro ng Komiteng Probinsiya Cagayan – Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.

Tumakas ang mga rebelde nang dumating ang air support mula sa Philippine Air Force hanggang sa makubkob ng ground troops ang pinagkakanlungan ng mga ito.

Hanggang kahapon ay nagpapatuloy pa ang clearing operation ng mga tauhan ni 5th ID Commander MGen Laurence E. Mina, na nagresulta sa pagkakadiskubre sa limang bangkay ng NPA na inabandona ng mga tumakas na kasamahan bukod sa tatlong baril, limang anti-personnel mine, medical supplies at personal na gamit.

Inakusahan ng militar ang mga rebelde ng pangongotong at panggigipit sa mga residente sa lugar dahilan upang sila mismo ang nagsumbong at nagturo sa militar sa pinagkukutaan ng CTGs. (JESSE KABEL)

132

Related posts

Leave a Comment