MAAARING makulong ng hanggang anim na buwan ang police colonel na bumulag ng isang mata ng isang pulis.
Nabatid ito matapos na isumite sa Directorate for Investigation and Detective Management, NHQ, sa Camp Crame ang resulta ng ginawang imbestigation ng SITG “Brabante” para sa kasong administratibo.
Isinumite sa PNP-DIDM ang case folder ng isinagawang masinsinang imbestigasyon patungkol sa insidente ng pananakit na ikinabulag ng biktimang si P/MSgt. Ricky Brabante matapos siyang hatawin umano ng kopita ng suspek na si P/Col. Dulnoan D. Dinamling Jr.
Una nang tiniyak ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo ang pantay at patas na hustisya para sa biktima at karampatang parusa sa akusado.
Napag-alaman na pormal nang naisumite ng PNP-PRO5 ang inihandang case folder ng mga bumubuo ng Special Investigation Task Group (SITG) “Brabante” patungo sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM). Ang nasabing dokumento ay tinanggap ni P/BGen. John G. Gayguyon, Ex-O DIDM, Camp Crame, Quezon City.
Ang naturang case folder ay naglalaman ng rekomendasyon hinggil sa kasong kahaharapin ng opisyal na si P/Col. Dinamling Jr., base sa isinagawang pagsisiyasat at malalimang pag-aaral ng SITG “Brabante”.
Kasong administratibong grave nisconduct ang naging suhestiyon laban kay P/Col. Dinamling Jr. batay sa nakasaad sa NAPOLCOM Memorandum Circular 2016-002. Ito ay dahil sa nagawa niyang pananakit sa non-commissioned officer na si P/MSgt. Brabante na ikinabulag ng kanang mata nito.
Ito ay malinaw na paglabag sa Revised Penal Code o special laws na may karampatang parusa na hindi bababa sa anim na buwan at isang araw na pagkakakulong.
Nilinaw naman na ang PNP-PRO5 ay walang kaukulang hurisdiksyon at awtoridad kay P/Col. Dinamling Jr. dahil ito ay nakatalaga sa Aviation Security Group 5 (AVSEGROUP5) kaya naman ang disciplinary action at kasong administratibo laban dito ay isasangguni sa Internal Affairs Service (IAS) para sa kaukulang disposisyon. (JESSE KABEL)
